Pinaglingkuran ng PhilHealth Regional Office (PRO) XII, kasama ng 55 ahensiya ng pamahalaan, ang mga dumalo sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Sultan Kudarat Capitol Compound, Isulan, Sultan Kudarat noong Pebrero 25-26, 2024. Ang nasabing okasyon ay tinaguriang may pinakamalaking bilang ng kalahok simula nang ito ay ginanap noong 2023 sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.
Sa loob ng dalawang araw, ang PRO XII ay nakapaglingkod sa higit 6000 miyembro. Ilan sa mga serbisyong naibigay ng PRO XII ay pagrerehistro ng mga bagong miyembro, pag-update ng records ng mga dati nang miyembro upang magpalista ng kanilang qualified dependents, at pagtatala ng mga dumalo sa Konsulta Providers.
Ang Konsulta, o Konsultasyong Sulit at Tama, ay ang pinalawak na primary care benefit ng PhilHealth na kinapapalooban ng health screening at assessment, at laboratory at diagnostic tests para sa mga miyembro. Makakukuha rin sila ng mga libreng gamot para sa mga piling kundisyon tulad ng asthma, diabetes, at hypertension.
Ayon kay Health Director Dave Bella, ito ay unang yugto pa lamang ng Konsulta registration sa Sultan Kudarat. Aniya, may mga kasunod pa ito upang mas maraming mamamayan pa ang makatanggap ng mga serbisyong medikal na hindi nakasali sa nasabing Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Hangad ng probinsiyang mas higitan pa ang 6,367 na dumulog sa information booth para magpatala sa Konsulta. Ang mga nairehistrong miyembro ay na-assign sa Sultan Kudarat Provincial Hospital bilang kanilang Konsulta Package Provider.
Masayang binisita ni Sultan Kudarat Provincial Gov. Datu Pax Ali S. Mangudadatu ang mga empleyado ng PhilHealth na malugod ding nagserbisyo sa loob ng dalawang araw na Serbisyo Fair sa lalawigan.