PhilHealth

home | contact us | disclaimer
PhilHealth Konsulta Caravan ginanap sa SM General Santos

PhilHealth Konsulta Caravan ginanap sa SM General Santos 03-25-2024

Matagumpay na ginanap ang isa na namang Konsulta Caravan noong March 25, 2024 sa SM Mall, Gen. Santos City na dinaluhan ng anim na PhilHealth accredited Konsulta Package Providers (KPPs) at higit sa isang libong PhilHealth beneficiaries mula GenSan at Sarangani Province.

Matapos ang opening program, nagkaroon ng press conference na dinaluhan naman ng mga Iocal media ng GenSan.

Ani PhilHealth Regional Vice President, Dr Hector Zenon Leonardo P. Malate, "ito ang pangalawang Konsulta Caravan na ginanap sa Rehiyon upang palaganapin ang kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa Konsulta bilang expanded primary care services ng PhilHealth."

Ang ginanap na caravan ay isang paraan upang mabigyan ang mga miyembro ng pagkakataong makapagparehistro sa kanilang mapipiling KPP at magamit ang kanilang benepisyo mula first-patient encounter hanggang sa pagpapalaboratoryo at pagtanggap ng mga gamot ayon sa rekomendasyon ng kanilang doktor.

"Ang GenSan at Sarangani ay mayroong 1.5 million populasyon at sa ngayon ay nasa 200,000 na ang rehistrado sa Konsulta.“Mayroon pa tayong dalawang taon upang abutin ang target na makapagpatala ang lahat. Sana matulungan ninyo kaming ipaalam sa mga taga Sarangani at GenSan ang tungkol dito," ayon kay Field Operations Division Chief, Lorelie G. Bonilla.

Upang makapag-avail ng mga benepisyo, nanawagan ang Local Health Insurance Office Head ng LHIO GenSan na si Nol S. Valila na kung maaari ay mag-update ng records ang mga miyembro at pumili ng kanilang KPP kung saan nila gustong magpakonsulta.

Sa expanded primary care service na ito, ang mga miyembro ay binibigyan ng pagkakataong mamili ng kanilang service provider kung saan nila gustong i-avail ang kanilang mga benepisyo.

"Maliban sa Konsulta, ang PhilHealth ay mayroon ding Z benefits na siyang sasagot sa malakihang gastusin sa pagpapaospital tulad ng para sa breast at prostate cancer kung saan ang St Elizabeth Hospital sa GenSan ay accredited na rin bilang provider," ani naman ni Health Care Delivery and Management Division Chief, Dr. Lizamar P. Banatao.

Bilang hamon, hinikayat ng PhilHealth 12 ang mga media practitioners na iparating ang mensahe para sa lahat na hindi sapat na mailunsad ang mga programa ng PhilHealth ngunit higit sa lahat ay maipalaganap at maipadama sa mga miyembrong sila ang prayoridad ng pamahalaan na mabigyan ng primary care services sa pamamagitan ng PhilHealth Konsulta.

Sa kabilang dako, lubos ang pasasalamat ni Lt Col Reuben Macario, bilang representante ng PNP12 at kanilang Regional Medical at Dental Unit na kasama sa mga KPP na naghatid ng serbisyo sa nasabing Konsulta Caravan.

Ipinangako ni Macario na patuloy nilang susuportahan ang programa ng PhilHealth dahil ang kanilang ahensiya ay naniniwala sa karapatang pantaong mamuhay nang malusog, may kalayaan at kapanatagan sa isang mapayapang komunidad.

Kabilang din sa lumahok sa Caravan ang St Elizabeth Hospital, Inc., FPOP Community Health Care Clinic, Sarangani Bay Medical Specialist, Inc., Socsargen County Hospital at West Rural Health Unit.